Rey A. Ibañez
The author will be starting in fourth year in June at St Vincent de Paul College Seminary, Dagum Hills, Calbayog City, 6710 Samar, where you may write him. You may email him at reylatus27@gmail.com
Magmula ng yakapin ko ang buhay ng isang magpapari, malimit kong marinig at mapagtanto ang mga katanungang madalas ay ‘di ko masagot-sagot o ‘di rin matarok ng musmos kong pag-iisip. Ito ay mga katanungang gaya ng, ‘Bakit ka magpapari?’ ‘Paano mo nalamang ika’y tinawag nga ng Panginoon?’ ‘Kaya mo bang harapin ang mga hamon sa buhay ng isang Pari?’ At ang pinakamahirap sa lahat ay ang katanungang, ‘Saan ako patungo?’
Saan nga ba ako patungo? Aling daan ba ang nararapat kong tahakin? Patungo saang direksyon ba ang dapat kong baybayin? Bakit sa tuwing ako’y nasa kalagitnaan nitong mundong mapanlinlang at mapang-akit ay tila nawawala ako sa direksyon? Bakit hindi ko lubos maaninag ang tamang daan ng buhay? Kapag nakikita ko ang mga bagay na kaaya-ayang tingnan at kaysarap angkinin ay para bang ako’y uhaw at nagpupumilit na kamkamin ito at lasapin ang kaligayahang maidudulot nito. Para bang gusto kong maghanap pa ng mas maganda at mas kaaya-aya pa rito.
Paano ko ba matatanggihan ang mga mararangyang luho ng sanlibutan? Paano ko ba malalabanan ang tila mapang-akit na alindog nito sa aking buong pagkatao? Paano ko maiiwasan ang maging alipin nito?
Maraming beses na akong nangako sa Poon na iaalay ko ang aking buhay sa Kanya. Nangako akong wala ng ibang babalingan pa kundi Siya lamang. Pero bakit dumarating ang mga panahong binabawi ko ang mga pangakong ito?
Alam na alam ko na ang buhay pagpapari ay isang buhay celibato na ang ibig sabihin ay walang katuwang sa buhay, asawa’t anak na mag-aaruga pagdating ng taglagas. Pero bakit may iba akong nararamdaman? Bakit parang nahahati ang puso ko sa Kanya at sa kanya rin? Sino ba ang pipiliin ko? Sino ang aking babalingan? Saan ako tutungo?
Hindi maikakaila na sa buhay naming mga seminarista, mahirap ang maging banal, lalo na ang maging paring banal sa hinaharap. Napakahirap, sobrang hirap at pagtitiis ang aming dinaranas at daranasin sa loob o labas man ng seminaryo. Napakaraming mga hamon ang nakaantabay sa daang aming tinatahak at tatahakin pa lamang. Isipin mo na lang ang sampung taon o higit pa nito na iyong dadaanang pormasyon bago ka magpari. Kakayanin mo bang lumagi sa seminaryo sa loob ng sampung taon?
Makakayanan mo bang makihalo-bilo sa mga taong ni minsan ay ‘di mo nakilala sa buong buhay mo? Kaya mo bang makipagsapalaran sa mundong ‘di mo pa alam? Kakayanin mo rin bang makipagtunggali sa lahat ng mga taong maaari mong makalaban sa ministrong iyong pinaghahandaan? Lubha ngang napakarami ng katanungang ukol sa pagpapari ang ’di ko alam kung masasagot ko. Sobrang dami rin ng hamon sa buhay ang nakasubaybay sa amin. Unang-una, kalaban namin ang pangungulila sa mga magulang, kaibigan, kamag-anak o sino pa mang napalapit sa aming kalooban. Bakit? Dahil malimit na namin silang makita at makasama ‘di gaya no’ng nasa labas pa kami ng seminaryo. Hindi rin puwedeng umuwi ka at dalawin sila kung hindi pa panahon ng pagdalaw, dapat maghintay sa nakatakdang panahon. Pangalawa, kalaban namin ang mga tentasyon ng mundo at ang labis na karangyaang ipinapakita at ipinapang-akit nito. Partikular na kalaban namin ang mga luhong ‘di naman pala tunay na nagbibigay kaligayahan at kakuntentuhan sa buhay. Pangatlo, kalaban namin ang mga taong tila bagang ‘di kami matanggap bilang magpapari. Pang-apat, kalaban din namin kung minsan ang aming mga magulang na nangangambang wala na raw magpaparami ng kanilang lahi. Hindi lang nila alam na mas dadami pa ang lahi nila dahil mas maraming magiging anak ang pari pagdating ng panahon. Magiging ama siya hindi lamang ng iilan kundi maging ng mga taong hindi niya kilala at kadugo. At higit sa lahat, ang aming panghuling kalaban ay mismong mga sarili namin. Maraming beses na kami ri’y nawawala sa sarili o nawawalan ng direksyon. Sa halip na piliin namin ang tama at makabubuti sa amin, mas pumapabor pa kami minsan sa kabaliktaran nito. Sa halip na gumising ng maaga upang magbigay puri sa Maykapal at dumulog sa pangaraw-araw na misa ay pinipili pa ng ilan na magsakit-sakitan o matulog na lamang. Sa halip na yakapin at sumunod sa pormasyong talaga namang makatutulong sa amin ay gumagawa pa kami ng sarili naming gimik para lamang makuntento sa mga makasariling hangarin. Minsan ay hindi na namin nabibigyan ng pansin ang dahilan ng lahat ng ito – na ito’y para sa amin din at para kay Kristo!
Kaya, pinili ko ngayon na pagninilay-nilayan ang mga bagay na ito habang ako’y kasalukuyang nakikipagsapalaran dito. At sa aking pakikipagsapalaran sa mga sugal ng buhay, dahan-dahan kong natutuntun ang tamang daan, unti-unti kong natatahak ang mga kalyeng nakita ko na pala subalit ‘di ko lang binigyang pansin noon. May kabagalan ang aking pagdedesisyon subalit tumpak naman ang mga ito. Alam kong ako’y naliliwanagan na at ‘di na kayang linlangin pa ninuman. At ang katanungang, ‘Saan ka pupunta?’ ay unti-unting natutugunan ng tamang kasagutan.
Seminarista, saan ka patungo?
Ako ay patungo roon sa bagong mundo ng buhay subalit luma pa rin. Ang bagong mundo ng pagpapari subalit luma na dahil wala pa ako ay nariyan na ang pagtawag ni Kristo. Ako ay patungo sa daan kung saan walang bakas ng pagmamahal na mula kay Kristo at doon ay ipararamdam ko sa kanila ang tamis na dulot ng pagmamahal Niya. Doon ipakikilala ko ang ‘Kristong’ buhay ko at buhay din nating lahat. Pupuntahan ko silang nagnanais na makita si Kristo kahit man lang sa mga anino ng kanyang matatamis na sermon at pangaral. Pupuntahan ko ang mga kabataang tila bagang wala ng kinikilalang Diyos at ang akala sa sarili ay kayang pasanin ang mundo ng walang sinumang babalingan. At higit sa lahat, babalikan ko ang aking sarili na alam kong may posibilidad pa ring mawala. Tutuklasin ko ang mga bagay na lingid pa sa aking kaalaman at ang mga misteryong nakatago sa likod ng aking katauhan. Pag-iibayuhin ko pa ang mga talentong ipinagkatiwala sa akin ng sa gayon ay makapamunga ito at makapamahagi ako sa mga mas nangangailangan nito. Magtatanim ako ng mga binhing mamumunga ng marami upang maialay itong muli sa Kanya na nag-alay ng walang katumbas na butil, ang butil ng buhay na walang hanggan. Sa gabay ng Banal na Espiritu at sa pagkalinga ng Santa Iglesia Katolika, pagbubutihan ko ang aking pagpapari hanggang sa abot ng aking makakaya. Humihingi rin ako ng inyong mga panalangin sa araw-araw na sana’y makayanan kong lagpasan ang lahat ng mga hamon ng buhay.
At sa pagpapala ng Mahal na Ina, nawa’y maging pari ako at ang lahat ng mga seminarista!